5-katao patay sa clan war

CAMP CRAME – Magkakasunod na kinalawit ni kamatayan ang lima-katao makaraang sumiklab ang madugong bakbakan ng magkalabang angkan sa bayan ng Alicia, Zamboanga Sibuya kamakalawa.

Kabilang sa mga nasawi sa angkan ng Ibno ay sina PO3 Alvin Aluji, Hadji Jumajil Salupi, Usman Salupi at Mutil Sahid.

Samantalang si Julhan Indal ay kabilang sa angkan ni Datu Tarsum Indal, barangay captain ng Barangay Bagong Buhay sa nabanggit na bayan.

Sa ulat ng pulisya, nagsimulang sumiklab ang sagupaan ganap na alas-5:30 ng umaga matapos na lusubin ng angkang Ibno ang bahay ni Datu Indal.

Tumagal ng may ilang minuto ang palitan ng putok ng baril hanggang sa magkakasunod na bumulagta ang mga biktima.

Agad namang sumuko sa mga awtoridad si Datu Indal na lider ng isang angkan.

Pinaniniwalaang matinding alitan sa lupang sakop ng magkalabang angkan ang pinagmulan ng insidente. (Joy Cantos)

Show comments