Nag-amok na karpintero utas sa pulis

RODRIGUEZ, Rizal – Patay ang isang 37-anyos na karpintero nang mag-amok makaraang pagbabarilin ng sariling bayaw na pulis kamakalawa ng gabi sa Brgy. Balite ng bayang ito.

Si Jose Lizardo ay nagtamo ng tatlong tama ng bala ng baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan mula sa suspek na si SPO1 Jovito Adriano, 45, nakatalaga sa Rodriguez Police at residente ng Daang Bakal St., Brgy. Balite, Rodriguez.

Sa ulat ng pulisya, nagwala ang senglot na biktima na armado ng jungle bolo at hinamon ng patayan ang kanyang bayaw dakong alas-8:30 ng gabi sa kahabaan ng Daang Bakal St.

Ayaw namang patulan ng pulis ang biktima subalit bigla na lang siya nitong sinugod kaya wala itong nagawa kundi pagbabarilin ang bayaw.

Tinangka pang isugod sa pagamutan ang biktima subalit namatay na ito habang isinusugod sa pagamutan. Samantala, kusang-loob namang sumuko sa kanyang mga kasamahan ang suspek na pulis dala ang baril na ginamit sa krimen. (Edwin Balasa)

Show comments