Sa mga dokumentong naipon ng PSN, umaabot sa 2,626 bilang ng guro ang kulang sa mga pampublikong paaralang elementarya at hayskul sa nabanggit na rehiyon, samantalang umaabot sa 5,125 silid-aralan ang kulang habang aabot naman sa 168,740 ang kapos na silya.
Ayon kay Odon Santiago, hepe ng regional facilities unit ng Central Luzon Balik-Eskwela Action Center, ang mga nasabing bilang ay batay sa kanilang kompyutasyon na 45 estudyante lamang ang dapat sa isang klase.
Ayon naman kay Dr. Joy Fernandez, assistant division superintendent ng DepEd sa Bulacan at provincial chair ng lokal ng sangay ng Oplan Balik Eskwela, ang kakulangan sa mga guro, silid-aralan at mga silya ay perennial problem.
Aniya, isa sa dahilan nito ay ang mabilis na paglobo ng populasyon sa rehiyon partikular na sa Bulacan na umaabot na sa 3-milyon.
Batay sa tala ng DepEd, kalahati ng 2,626 guro sa rehiyon ay nangunguna ang Bulacan dahil kapos ito ng 1,529 guro at maging ang mga silid-aralan ay kinakapos ng 1,817.
"Kung tutuusin ay hindi naman kulang sa mga guro at silid-aralan sa Bulacan dahil patuloy naman ang suporta ng mga pamahalaang lokal," dagdag pa ni Fernandez
Sa panig ni Mayor Ambrosio Cruz ng Guiguinto, umaabot sa halos 5 porsyento ang annual growth rate ng Bulacan kaya ang bilis dumami ng tao.
"Kahit magdagdag ng silid-aralan at mag-hire ng mga guro kada taon, kung mas mabilis ang paglobo ng populasyon kakapusin pa rin talaga, dapat holistic ang approach natin at dapat isama ang kampanya sa responsableng pamilya na okey lang ang maraming anak, pero dapat nakaplano at kayang itaguyod," dagdag pa ni Mayor Cruz. (Dino Balabo)