Sa ginanap na press conference sa provincial capitol ng Batangas, ipinahayag ni Deputy Director General Oscar Calderon, PNP deputy director for administration na posibleng maging motibo sa nabigong asasinasyon laban kay Sanchez ay politika, negosyo at personal motive.
Inamin din ni Calderon na tinaniman ng bomba ang sasakyan ni Gobernor Sanchez na naging sanhi ng pagkasugat nito at pagkamatay ng kanyang driver at bodyguard na sina PO3 Eric Landicho, 30 at ang sibilyang si Louie Icaro, 20, na nakulong sa sasakyan.
Ayon kay Calderon, nangangalap na ng mga ebidensya ang forensic department ng Philippine National Police sa blast site para madetermina ang ginamit na explosive material.
Gayon pa man, iginiit ni Calderon na maaring parte ng isang destabilisasyon sa gobyernong Arroyo ang nangyari kay Governor Sanchez o gawa ng mga terorista para paguluhin ang peace and order situation ng bansa.
Hiniling naman ni Calderon na maging mahinahon ang mga Batangueño at magtiwala sa kapulisan dahil kontrolado nila ang sitwasyon.
Ayon naman kay Atty. Ronaldo Geron, provincial administrator ng Batangas na nasa mabuting kalagayan na si Governor Sanchez at nananatili siyang "in-control" kahit nasa ospital pa.
Pinabulaanan din ni Geron na politika ang dahilan ng bigong pagpatay kay Governor Sanchez.
"Hindi po kami naniniwala na politika ang tangkang pagpatay sa gobernador dahil ang politika sa Batangas ay hindi bababa sa ganitong level, na papatay ng tao para lamang makaupo sa puwesto," paliwanag ni Geron.
Inamin din ni Geron na nakakatanggap ng mga pagbabanta ang gobernador bago ito pinagtangkaang patayin.
Matatandang nakaligtas si Gobernor Sanchez matapos pasabugin ang kanyang sasakyan na ikinasugat nito at ikinamatay ng kanyang driver at bodyguard noong Huwebes ng alas-6:30 ng gabi. (Arnell Ozaeta at Joy Cantos)