Dalawang bala ng baril sa tiyan at isa sa ulo ang tumapos sa buhay ni Sotero Llamas, 55, ng Barangay Panal, Tabaco City, samantala, sugatan naman ang kasamahan nitong si Marciano Bitara ng bayan ng Malilipot, Albay at ngayon ay ginagamot sa Ziga Memorial District Hospital.
Si Llamas na gumagamit ng alyas "Ka Nogong/ Ka Teroy" at naging opisyal ng Bicol Regional Party Committee ng CPP-NPA ay pinagbabaril ng dalawang lalaking sakay ng motorsiklo dakong alas-8:30 ng umaga habang lulan ng multicab (GRS 646) sa harap ng Carolina Hotel and Restaurant sa nabanggit na barangay, ayon kay P/Chief Supt. Victor Boco Jr., police provincial director.
Napag-alamang si Llamas na naging rebelde ay nadakip noong 1989 matapos ang madugong sagupaan ng militar sa liblib na bahagi ng Juban, Sorsogon at kasalukuyang negosyante sa nabanggit na lungsod.
Tumakbo bilang gobernador ng Albay sa ilalim ng partido ni Sen. Ping Lacson noong nakalipas na 2004 halalan, subalit natalo. (Ed Casulla At Joy Cantos)