Ama kinarit ng sariling anak, patay

CAMP CRAME – Kinarit sa leeg at iba’t ibang bahagi ng katawan hanggang sa mapatay ang isang 60-anyos na ama ng sariling anak na lalaki matapos na pagmumurahin ng una ang huli sa Barangay Bonawon sa bayan ng Siaton, Negros Oriental, ayon sa ulat kahapon.

Base sa isinumiteng ulat sa PNP-Central Operations Center, kinilala ang biktima na si Potenciano Castrense, magsasaka, samantalang naaresto at pormal na sinampahan ng kaukulang kaso ang suspek na si Nestor Castrense, 30, ng Sitio Malasbalas, Barangay Sto. Niño, Tanjay City.

Napag-alamang bumisita sa bahay ng matandang Castrense ang suspek para kamustahin, subalit hindi pa nakapagsasalita ang batang Castrense ay sunud-sunod na maaanghang na salita ang isinalubong ng biktima.

Tinangkang sumagot ng suspek, subalit iwinasiwas ng biktima ang hawak na karit sa sariling anak kaya nasugatan ito at sa pag-aakalang lango sa alak ang matanda ay agad namang naagaw ang armas, ayon pa sa ulat.

Dito na gumanti ang suspek hanggang sa mapatay nito ang sariling ama na duguang bumulagta. (Angie dela Cruz)

Show comments