Isa sa mga suspek ay may taas na 54 nasa edad 36-anyos at kayumanggi ang kutis, isa naman ay may taas na 55, 28-anyos at Moreno ang kutis habang ang isa pa ay nasa 37-anyos, may taas na 54, kayumanggi at katamtaman ang pangangatawan.
Samantala, itinaas na kahapon ni Palawan Governor Joel Reyes sa P1-milyon ang pabuya sa sinumang makakapagturo sa mga killer ng nabanggit na brodkaster.
Dinagdagan ni Gov. Reyes ng P.5-milyon ang naunang ini-offer ni Puerto Princesa City Mayor Edward Hagedorn noong Lunes para sa dagliang paglutas ng kasong pagpatay kay Batul.
Sa pinakahuling ulat, inilahad ni P/Chief Supt. Delfin Genio, Mimaropa (Mindoro-Marinduque-Romblon-Palawan) police director, narekober na rin ang ginamit na motorsiklo ng mga suspek at mga personal na gamit na iniwan sa loob ng trak sa panulukan ng Malvar St. matapos ang pamamaslang.
Natagpuan ng mga awtoridad ang duguang face towel, asul na motorsiklo, blue shirt with collar, 2-bala ng caliber .45 baril, black jogging pants at isang baseball cap.
Sa isang panayam kay NBI-Palawan chief Sonny Mangatora, sa radio station dzBB, kinumpirma nito na narekober nga ang mga gamit ng mga trabahador sa isang lumber yard noong Lunes ng tanghali.
Isasailalim na sa masusing pagsusuri ang mga gamit na narekober sa crime lab upang makapagbigay ng lead para makilala ang mga bumaril sa brodkaster.
Pinalawak na rin ang manhunt operation sa Palawan upang masakote ang mga killer.
Matatandaang naganap ang pamamaslang noong Lunes ng umaga sa panulukan ng Valencia at Manalo Street sa nabanggit na lungsod. (Arnell Ozaeta at Joy Cantos)