CAMP SIMEON OLA, Legazpi City Isa na namang lalaki ang napaulat na kinalawit ni kamatayan makaraang saksakin ng kanyang kaibigan habang kumakanta ng "My Way" sa loob ng videoke bar sa Barangay Bangon, Lupi, Camarines Sur, kamakalawa. Napuruhan sa dibdib ang mangingisdang si Brenan Monesterian ng Sitio Tipon-Tipon ng nabanggit na barangay. Tugis naman ng pulisya ang suspek na si Melchor Madrelejos ng Barangay Cabinitan, Ragay, Camarines Sur. Base sa ulat ng pulisya, magkasamang nag-iinuman ng alak ang dalawa nang hindi nagustuhan ng suspek ang sintunadong kanta ng biktimang hawak pa ang mikropono nang saksakin at duguang bumulagta.
(Ed Casulla) Lider ng NPA hit squad tiklo |
CAMP CRAME Bumagsak sa kamay ng militar at pulisya ang isang 38-anyos na lalaki na pinaniniwalaang lider ng New Peoples Army (NPA) hit squad na umamin sa pamamaslang sa mga opisyal ng pulisya at dalawang dating top ranking rebel leader sa operasyon sa Barangay San Mateo, Norzagaray, Bulacan, ayon sa ulat kahapon. Iniharap nina AFP Chief of Staff Gen. Generoso Senga at Deputy Director General Avelino Razon ang suspek na si Delfin de Guzman, alyas Rafael Cruz, kalihim ng Bulacan Provincial Party Committee ng CPP at acting secretary ng Central Luzon Regional Party Committee. Ang suspect ay nasakote sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng Malolos RTC, Branch 11 sa kasong murder.
(Joy Cantos) Kawatan ng kable, nalitson |
CAVITE Nasa peligrong kalagayan ang isang 27-anyos na lalaki makaraang makuryente habang pinuputol ang kable ng kuryente na nasa poste ng Meralco sa panulukan ng Barangay Jose Abad Santos Avenue at URC Avenue na sakop ng Barangay Salawag, Dasmariñas, Cavite kamakalawa ng gabi. Halos matusta ang buong katawan ng biktimang si Dindo Paragas, 27, ng Andreaville Subd., Phase 2 , Barangay Salitran 4 ng bayang nabanggit. Ayon kay SPO2 Lorenzo Balbuena, inakyat ng biktima ang poste ang Meralco, upang putulin ang mga kable, subalit sa hindi inaasahang pagkakataon ay napahawak sa talop na linya hanggang sa magkikisay at bumagsak. Namataan ng ilang residente ang biktima kaya isinugod sa ospital.
(Cristina Timbang) 2 lalaki sinalvage sa Pampanga |
CAMP OLIVAS, Pampanga Dalawang bangkay ng lalaki na pinaniniwalaang biktima ng summary execution ang natagpuan sa magkahiwalay na bayan sa Pampanga, kamakalawa. Sa ulat na nakarating kahapon sa Camp Olivas, unang natagpuan ang bangkay ng hindi kilalang lalaki sa ilog na sakop ng Arayat, Pampanga, samantalang ang ikalawa ay nakilalang si Jomy Sagun, 39, ng Orchid St., Purok 1 sa Barangay Margot, Angeles City. Blangko ang pulisya sa kaso ng dalawang biktima na pinaniniwalaang pinatay sa ibang lugar bago itinapon sa nabanggit na barangay.
(Resty Salvador)