TMG Central Luzon director, sinibak sa puwesto

CAMP CRAME – Sinibak na kahapon ni PNP-Traffic Management Group (PNP-TMG) Chief Director Errol Pan, ang TMG Central Luzon regional director na inakusahang nakapasok sa serbisyo dahil sa pamemeke ng eligibility‚ sa Philippine National Police.

Kinilala ang sinibak na opisyal na si TMG Region 3 Director Napoleon Cauayan at pansamantala namang ipinalit si P/Supt. Dionisio Hicpan bilang office-in-charge at ipinag-utos ni PNP Chief Director General Arturo Lomibao na imbestigahan ang nasabing kaso.

Si Cauayan ay kasalukuyang sumasailalim sa masusing imbestigasyon ng PNP-Directorate for Investigation and Detective Management (DIDM) sanhi ng akusasyong mga peke ang dokumento na isinumite nito para makapasok sa police force.

Nabatid na si Cauayan ay nauna nang dinismis sa PNP noong 1993 sa kasong illegal absorption at muling nakabalik sa aktibong serbisyo matapos malinis ang pangalan noong Pebrero 19, 2001.

Sinabi pa ni Pan na ang pagsibak kay Cauayan ay matapos lumiham kay Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Ronaldo Puno ang isang grupo ng mga concerned citizen at inireklamong isang impostor na opisyal ng PNP ang naturang opisyal kaya nararapat lamang itong patalsikin sa serbisyo.

Kaugnay nito, tiniyak naman ni Pan na tuluyang ididismis sa serbisyo si Cauayan sa sandaling mapatunayang may katotohanan ang paratang na pineke nito ang kaniyang mga dokumento. (Joy Cantos)

Show comments