Kinilala ni P/Supt. Nilo Anzo, Batangas City PNP chief, ang biktimang si Rommel Jayson Tolentino, alyas "Joel" ng Social Welfare Administration Site sa Barangay Kumintang Ibaba, Batangas City, Batangas.
Base sa ulat ng pulisya, bandang alas-8:30 ng umaga habang naglalakad papuntang LTO ang biktima nang harangin ng dalawang armadong lalaki at isagawa ang pamamaslang pagsapit sa tapat ng DSWD building ilang metro ang layo sa compound ng LTO-Batangas branch.
Matapos ang pamamaril, mabilis na tumakas ang dalawa sakay ng isang motorsiklong nakaparada ilang dipa lang ang layo sa crime scene.
Naitakbo pa ng mga bystander si Tolentino sa Batangas Regional Hospital, subalit ideneklarang patay dahil sa apat na tama ng bala sa ibat ibang bahagi ng katawan.
Sa inisyal na imbestigasyon ni SPO4 Danny Magtibay, hepe ng investigation office ng Batangas City PNP, malaki ang posibilidad na may naargabyadong kliyente sa LTO ang biktima kaya ito ginantihan at pinatay. Ayon naman sa ama ng biktima, sinisilip din nila ang anggulong alitan sa pagitan ng kanyang anak at isang ka-barangay na naganap pa noong 2003.