Obrerong naglaro ng baril, dedo
May 17, 2006 | 12:00am
CAMP OLIVAS, Pampanga Agad na kinalawit ni kamatayan ang isang 49-anyos na obrero makaraang pumutok ang baril na pinaglaruan ng biktima sa harap ng kanyang mga kaibigan sa Barangay Ayala sa bayan ng Magalang, Pampanga kamakalawa ng madaling-araw. Kinilala ni P/Supt. Elvis Diaz, police chief sa bayan ng Magalang, ang biktimang si Victor Arcilla ng Barangay San Nicolas sa bayang nabanggit. Napag-alamang lango sa alak ang biktima nang magyabang sa mga kaibigan at itutok nito ang baril sa bibig. Sa hindi inaasahang pagkakataon ay biglang pumutok ang baril kaya halos sumabog ang mukha ng biktima. (Resty Salvador)
TAYABAS, Quezon Pinaniniwalaang alitan sa trabaho kaya pinagtulungang saksakin hanggang sa mapatay ang isang 22-anyos na lalaki ng tatlong dating kasamahan bago itinapon ang bangkay sa ilog na sakop ng Barangay Ipilan ng bayang nabanggit, kamakalawa ng umaga. Sa Abacan River nadiskubre ang bangkay ng biktimang si Jeffrey Buera ng naturang barangay. Ayon kay pagsisiyasat ni SPO4 Merte Huerto, huling namataang buhay ang biktima dakong alas-9:00 ng gabi na naglalakad kasama ang tatlong dating kasamahan sa trabaho. Napag-alamang nakatanggap ng pagbabanta ang biktima sa kanyang mga naging kasamahan na maghihiganti dahil sa pagkakatanggap sa trabaho. Kasalukuyang nangangalap ng detalye ang pulisya para mabatid ang pagkikilanlan ng mga suspek. (Tony Sandoval)
CAVITE Apatnapung pasahero ang iniulat na nasugatan makaraang tumaob ang pampasaherong bus sa kasagsagan ng Bagyong "Caloy" sa kahabaan ng Coastal Road na sakop ng Barangay Zapote 5, Bacoor, Cavite, kamakalawa. Kabilang sa mga biktimang nasugatan ay sina Abegail Ragudo, Jacqueline Rosario, George Rivera, Rosana Rivera, Jaymee Rivera, Angelica Anna Torrijos, at Jessica Nuguid. Sa ulat ni P/Chief Insp. Alex Borja, police chief sa bayan ng Bacoor, Cavite, sumabog ang unahang gulong ng San Agustin Bus Liner (TYD453) na minamaneho ni Joel Sagum ng Dasmariñas, Cavite. Hindi nakontrol ng drayber ang bus hanggang sa tumaob na ikinasugat ng mga biktima. Pormal na kinasuhan ang drayber ng bus habang ang ibang pasahero ay nananatili sa ibat ibang ospital. (Cristina Timbang)
BrandSpace Articles
<
>
- Latest
- Trending
Trending
Latest
Trending
Latest
Recommended