CAMP CRAME Bumagsak sa kamay ng mga awtoridad ang mag-asawang pinaniniwalaang notoryus na drug pusher sa isinagawang buy-bust operation sa bahagi ng Angeles City, Pampanga, kamakalawa. Pormal na kinasuhan ang mag-asawang sina Ernesto Bergonio, alyas Sundalo, 58, kawani ng ISAFP; at Gemma Bergonio, 36; kapwa naninirahan sa Riverside sa Arayat Boulevard, Barangay Pampanga. Bandang alas-6 ng umaga nang magsagawa ng operasyon ang mga awtoridad matapos na makumpirma ang presensya ng mga suspek. Hindi na nakapalag ang mag-asawa matapos na disarmahan ng mga pulis na nagresulta sa pagkakakumpiska ng 0.2 gramo ng shabu, 2-kalibre 45 baril, isang M16 rifle na may sniper scope, isang cal. 22 rifle na may sniper scope at dalawang motorsiklo. Tugis naman ang nakatakas na si Joselito Bergonio, 19, anak ng mag-asawang suspek matapos na pumalya ang baril nito ng paputukan ang arresting team.
(Joy Cantos) Mag-ina pinagtataga, grabe |
CAMP SIMEON, Legazpi City Kasalukuyang nakikipaglaban kay kamatayan ang mag-inang negosyante makaraang pagtatagain ng kanilang nag-iisang kamag-anak sa pamilihang bayan ng Virac sa Barangay Concepcion, Catanduanes kahapon ng umaga. Nakilala ang mag-inang biktima na sina Jay Romero, 17 at Marivic Romero na kapwa naninirahan sa Barangay Cogon ng nabanggit na bayan. Samantalang tugis ng pulisya ang suspek na si Jose Tejada. Sa ulat ng pulisya, naitala ang krimen ganap na alas-8:30 ng umaga habang nagtitinda ang mag-ina sa kanilang puwesto sa palengke. May posibilidad na matagal na alitan ng dalawang pamilya ang isa sa motibo ng krimen.
(Ed Casulla) CAMP SIMEON, Legazpi City Pinagsasaksak hanggang sa mapatay ang isang 59-anyos na lalaki ng sariling utol habang ang magkapatid ay magkasamang nag-iinuman ng alak sa Barangay Ponong sa bayan ng Magarao, Camarines Sur, kamakalawa ng gabi. Hindi na naisugod sa ospital ang biktimang si Teofilo Salazar, magsasaka at residente ng naturang lugar, samantalang agad namang nadakip ang suspek na si Vicente Salazar, 63, may asawa, at residente ng Barangay Quipayo, Calabanga, Camarines Sur. Napag-alamang nagkasagutan ang mag-utol habang nag-iinuman ng alak at dahil sa kapwa senglot ay hindi nakapagpigil ang suspek hanggang sa mauwi sa karahasan.
(Ed Casulla)