Binawian ng buhay habang ginagamot sa Sta. Cruz Hospital ang biktimang si Dr. Norman Josue, may-ari ng nabanggit na ospital at residente ng Barangay Poblacion at bayaw ni Mayor James De Jesus.
Sugatan naman sina Rafael Camua, 44, driver; Neneth Francia, 35, ng Barangay Sto. Niño; at Engineer Lino Ignacio, 55, ng Barangay Balungao, Calumpit at ligtas sa kamatayan.
Ayon kay PO3 Roel Manansala, ang mga biktimang lulan ng Kia Sorento (RBP922) ay dumalo sa piyesta ng Barangay Bulusan at pauwi na nang harangin ng kulay pulang Toyota Altis na may plakang XRX 453.
Agad na bumaba ang dalawang naka-bonnet na armadong lalaki at nagsimulang ratratin ang sasakyan ng mga biktima na ikinasawi ni Dr. Josue.
Narekober sa crime scene ang 21 basyo ng M16 rifle, 19 basyo ng 9mm, tatlong basyo ng cal. 45, 10 bala para sa M16 rifle, dalawang kuping na slugs at isang spring para sa M16 rifle magazine.
Natagpuan ng mga awtoridad ang inabandonang getaway vehicle ng mga suspek sa bahagi ng Barangay Iba-ibayo, Hagonoy, Bulacan na may mga bala ng baril at plakang XRV287.
Kaugnay nito, kinondena ni Mayor James de Jesus, ang pagpatay sa kanyang bayaw at sinabing may kaugnayan sa politika ang naganap na karahasan. (Dino Balabo)