Ayon sa mga opisyal ng Bulacan Provincial Hospital, hindi bababa sa 25-katao ang isinugod sa kanila kabilang ang 17 menor-de-edad.
Isa sa mga nurse ang nagsabi sa PSN na thypoid fever (tipus) ang naging sakit ng mga residente matapos na uminom ng kontaminadong tubig sa nabanggit na balon.
Kaugnay nito, sinabi ni Andres Abando, municipal administrator ng nasabing bayan na agad nilang tinugunan ang nasabing problema sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga poso na pagkukunan ng malinis na tubig, base sa kautusan ni Mayor Evelyn Paulino.
Ang nasabing balon ay may lalim na limang talampakan, at dating may bubong, subalit sa paglipas ng panahon ay napabayaan kayat ang katas ng dumi ng mga hayop ay napupunta sa matandang balon.
Bukod dito, nagbigay din ng tulong ang lokal na pamahalaang bayan para sa pagpapagamot ng mga biktima.
Sa pahayag naman ng ilang environmentalist ay nagpapatunay lamang na sa kabila ng sinasabing kaunlaran sa Bulacan ay halos kalahati ng may 3-milyong populasyon nito ang walang access sa malinis na tubig inumin. (Dino Balabo)