3 tulak ng droga itinumba
May 10, 2006 | 12:00am
CABANATUAN CITY Tatlong kalalakihan na pinaniniwalaang tulak ng bawal na gamot ang itinumba at itinapon ang mga katawan sa bahagi ng Barangay Purok 6, Barangay Bakod Bayan ng nabanggit na lungsod noong Sabado. Kabilang sa mga biktimang niratrat at napaslang ay sina Joven Angeles, 43, ng Barangay Lopez Jaena; Renan Nicasio, 50, ng Barangay Maria Teresa Subdivision; at Leonardo Santos, 45, ng Barangay Vijandre. Napag-alamang lumobo ang bilang ng mga gumagamit ng bawal na gamot sa nabanggit na lungsod kaya dinagdagan ni P/Chief Inspector Miguelito San Pedro, officer-in-charge, ang bilang ng pulis sa ibat ibang bahagi ng nasabing lugar. (Christian Ryan Sta. Ana)
LUCENA CITY, Quezon Bumagsak sa kamay ng pulisya ang itinuturing na numero unong drug pusher sa nasabing lungsod sa isinagawang buy-bust operation na nagresulta sa pagkakakumpiska ng isat kalahating kilong pinatuyong dahon ng marijuana, kamakalawa ng gabi sa Grand Central Terminal, Barangay Ilayang Dupay. Kasalukuyang naghihimas ng rehas na bakal ang suspek na si Annabel Castro y Almeda, 29, ng Barangay Cuyab, San Pedro Laguna. Ayon kay P/Senior Supt. Reuben Theodore Sindac, chief of police, ang suspek ay nakulong na sa kasong pagtutulak ng droga, subalit nakalaya sa pamamagitan ng piyansa. Inamin ng suspek na ang nakumpiskang marijuana ay mula sa isang nagngangalang "Honey" ng Barangay Malaba, Wawa, Biñan, Laguna. (Tony Sandoval)
MALOLOS CITY, Bulacan Umaabot sa P3.5-milyon mga gamot at alak ang natangay ng limang hijacker makaraang harangin ang isang cargo truck sa bayan ng San Ildefonso noong Biyernes ng gabi. Ayon kay P/Supt. Sheldon Jacaban, hinarang ng mga hijacker na lulan ng kulay puting Tamaraw FX ang Isuzu Forward Truck (NTU164) sa Brgy. Anyatam. Kinabukasan, natagpuan ang truck na walang laman sa MacArthur Highway sa Brgy. Borol 1st, Balagtas, Bulacan. Malaki ang posibilidad na isang pulis ang nasa likod ng insidente, subalit hindi ibinunyag ang pangalan. (Dino Balabo)
BrandSpace Articles
<
>
- Latest
- Trending
Trending
Latest
Trending
Latest
Recommended
January 3, 2025 - 12:00am
January 3, 2025 - 12:00am