Siklista sumabit sa trak, patay
May 9, 2006 | 12:00am
CAVITE Kinalawit ni kamatayan ang isang 61-anyos na siklista matapos na sumagi at kaladkarin ng trailer truck sa kahabaan ng lansangang sakop ng Barangay Sanja Mayor, Tanza, Cavite kahapon ng umaga. Halos magutay ang katawan ng biktimang si Librado Caton ng Barangay Mulawin Tanza Cavite. Ayon kay PO2 Neil Morano, Nagbibisikleta ang biktima nang mahagip ng truck (WJB 963) na minamaneho ni Rogelio Mendegoria. Agad naman nadakip at pormal na kinasuhan ang drayber ng truck na si Mendegoria, residente ng Barangay San Rafael, San Pablo City. (Cristina Timbang)
CAMP SIMOEN OLA, Legazpi City Hindi na umabot pa ng buhay sa Bicol Medical Center ang isang 24-anyos na tagapagluto ng mga atletang delagado ng Region 2 sa Palarong Pambansa 2006 matapos na aatakehin sa puso habang nagluluto sa kusina sa Concepcion, Naga City, kahapon ng madaling-araw. Sa ulat ng pulisya, Bandang alas-3:30 ng madaling-araw nang kalawitin ni kamatayan ang biktimang si Ronald Tulio ng Centro 3, Lasan, Cagayan. Napag-alamang nasaksihan ni Cleofe Tulio, ina ng biktima ang insidente kaya nakahingi ng tulong sa ilang atleta, subalit hindi na umabot ng buhay sa nabanggit na ospital. (Ed Casulla)
CAMP CRAME Dalawang miyembro ng militanteng grupong Anakpawis ang iniulat na nasugatan matapos sumabog ang inihagis na granada sa kanilang opisina sa Kidapawan City, North Cotabato kahapon ng umaga. Kinilala ng pulisya ang mga biktimang nasugatan na sina Giovanni Sakadaw, spokesman ng Bagong Alyansang Makabayan sa North Cotabato at Ogie Sakadaw, staff member ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas. Batay sa ulat, dakong alas-9:15 ng umaga nang hagisan ng granada ng hindi kilalang lalaki ang satellite office ng Anakpawis sa nasabing lungsod. Agad namang pinaratangan ng grupo ng Anakpawis ang militar na may kagagawan sa insidente, subalit itinanggi ito ng mga opisyal ng AFP sa katwirang hindi nila trabaho ang magpasabog para makapaminsala ng buhay at ari-arian. (Joy Cantos)
DAET, Camarines Norte Binaril at napatay ang isang 29-anyos na kawani ng Camarines Norte Water District (CNWD) ng isa sa tatlong kalalakihan habang ang biktima ay kumakain ng hapunan sa sariling bahay sa Purok 1, Barangay Camambugan ng nasabing bayan, kamakalawa ng gabi. Napuruhan sa likurang bahagi ng katawan ang biktimang si Wrenwick Makayan, samantalang isa sa mga suspek na isang 15-anyos na lalaki ay nasakote at kasalukuyang sumasailalim sa imbestigasyon. Base sa ulat, ganap na alas-9:15 ng umaga nang pasukin ang bahay ng biktimang naghahapunan. Hindi naman nagbigay ng detalye ang pulisya sa motibo ng krimen. (Francis Elevado)
IBA, Zambales Isang 39-anyos na security guard ang iniulat na nasawi makaraang sumalpok ang motorsiklong sinasakyan ng biktima sa kasalubong na kotse sa kahabaan ng Barangay Taltal, Masinloc, Zambales, kamakalawa. Kinilala ng pulisya ang biktimang nasawi na si Roldan Ebal ng Barangay Balonganon, samantalang sugatan ang kaangkas nitong si Joseph Enerba, 46. Pormal namang sasampahan ng kaukulang kaso ang drayber ng kotse (XFM-346) na si Oliver Edbane ng Barangay Baretto, Olongapo City. Sa ulat na nakalap sa opisina ni P/Senior Supt. Arrazad Subong, provincial director, nag-overtake ang motorsiklong Suzuki 110 (XE-5853) ng mga biktima sa kasunod na sasakyan, subalit hindi nakaiwas sa kasalubong na kotse ni Ebdane. (Fred Lovino)
BrandSpace Articles
<
>
- Latest
- Trending
Trending
Latest