Sa direktiba ni P/Chief Supt. Jesus Versoza, hepe ng CIDG kay P/Supt. Elwin Fernandez, field officer ng CIDG-Cavite, pinamamadali ang pagsisiyasat sa pagkakapatay kay Baltazar Santander, 50, Human Resource and Quality Assurance Officer ng Prime Global Care Medical Center na matatagpuan sa Cabesas panulukan ng Avenida Phase 2, Bahayan Pag-asa, Molino, Bacoor, Cavite.
Sa panayam ng PSN kay Fernandez, bigla na lang dinukot ng di-kilalang mga suspek si Santander habang naglalakad papunta sa kalapit na banko sa kanilang ospital bandang alas-10 ng umaga.
Pagkalipas ng dalawang araw, natagpuan ang bangkay ni Santander sa madamong bahagi ng Barangay Sungay sa Tagaytay City na may basag ang bungo, nakagapos ang mga kamay, paa, nakapiring at may suklob na plastic sa ulo.
Noong April 20, kinilala ng anak ni Santander na si Bj ang bangkay nito habang nakalagak sa Bartolome Funeral Homes sa Dasmariñas, Cavite.
Si Santander ay tubong Bacolod at naninirahan sa Osmium St. Golden City, Imus, Cavite.
Kasalukuyang naghahagilap ng mga ebidensya ang mga imbestigador ng CIDG upang malaman ang motibo at ang utak sa pagpatay sa biktima. (Arnell Ozaeta)