Ayon sa mga residenteng apektado, ilegal ang isinasagawang demolisyon ng lokal na pamahalaan partikular na sa Flying A Motel na nakakuha ng permanent injunction sa korte ilang taon na ang nakakaraan.
Subalit, ayon kay Ricasol Millan, hepe ng City Engineering Office ng Malolos, ang mga istraktura sa pagitan ng riles at MacArthur Highway sa Malolos City ay idineklara bilang mga public nuisance.
Sa isang pulong na isinagawa sa harap ng mga kinatawan ng korte kahapon, sinabi ni P/Supt. Manuel Lukban, hepe ng pulisya ng Malolos City, na ang kanyang mga tauhan ay nasa paligid ng gusali upang tiyakin ang katahimikan at kaayusan.
Ayon kay Nicson Cruz, isa sa mga apektadong residente, hindi maliwanag kay Lukban ang kanyang ginagawa dahil ayon sa utos ng korte kailangan ang police assistance upang hindi galawin ang Flying A Motel. Ipinakita rin niya ang isang court order mula kay Judge Victoria Pornillos ng RTC Branch 10 upang patunayan ang kanyang sinasabi.
Isinagot naman ni Lukban na sinusunod lamang niya ang administrative order mula sa City Engineering Office, subalit idiniin ni Cruz na ang dapat sundin ni Lukban ay ang utos mula sa RTC dahil nakahihigit iyon sa utos ng nasabing opisina.
Samatala, sinabi naman ni Alagad Party-list Representative Rodante Marcoleta na illegal ang demolisyon ng mga istraktura sa Malolos City dahil wala itong clearance mula sa Presidential Commission on the Urban Poor (PCUP). (Dino Balabo)