Konsehal, 1 pa ginulpi ng 3 banyaga
May 2, 2006 | 12:00am
CAVITE Gulpi-sarado ang inabot ng dalawang kalalakihan kabilang na ang isang konsehal ng bayan makaraang pagtulungang gulpihin ng tatlong banyaga sa Kalipayan Resort Barangay Burol 1, Dasmariñas, Cavite kamakalawa ng madaling-araw. Nagtamo ng sugat sa ulo at ibang bahagi ng katawan ang mga biktimang sina Dasmariñas Councilor Jacinto Jess Frani, Jr. at kaibigan nitong si Leo Castro, 24. Pormal naman kinasuhan ang mga suspek na pawang nagmula sa United Arab Emirates ay sina John Boban, utol na si Lawrence Boban na kapwa estudyante sa Dela Salle University at Ahmed Bamari, 20, pawang residente ng Caybago Centro, Tagaytay City. Ayon kay PO3 Valero Bueno, pinagsabihan nina Frani at Castro ang mga suspek na pansamantalang umiwas sa swimming pool dahil sa kalalagay pa lamang ng kemikal. Dahil sa lango sa alak ang mga suspek ay nagalit sa mga biktima at pinagtulungang gulpihin. (Cristina Timbang)
BATANGAS CITY Isang 49-anyos na konsehal ng barangay ang niratrat at napatay ng mga armadong lalaki habang nagpapahinga sa harap ng sariling bahay sa Barangay San Antonio Isla Verde sa nabanggit na lungsod noong Linggo ng umaga. Kinilala ni P/Supt. Nilo Anzo, hepe ng Batangas PNP ang biktimang si Alberto Cueto na nagtamo ng tama ng mga bala ng M16 armalite rifle at cal. 45 baril. Tumakas ang mga killer lulan ng isang bankang-de-motor patungo sa di nabatid na direksyon. Inaalam pa rin ng mga awtoridad ang pagkikilanlan ng mga suspek at ang motibo sa krimen. (Arnell Ozaeta)
LEGAZPI CITY Pinaniniwalaang matinding kahirapan sa kabuhayan kaya nagdesisyong mag-suicide ng isang 52-anyos na mister sa kanilang bahay sa Purok 6, Barangay Gogon ng nabanggit na lungsod kahapon ng umaga. Ang biktimang nakabitin ng nylon cord sa kisame ng kanilang bahay ay nakilalang si Bernardino Abion, may asawa at isang cigarette vendor. Ayon sa pulisya, huling namataang buhay ang biktima na walang imik at nag-iisang nakaupo sa labas ng kanilang bahay. Bandang alas-10 ng umaga nang pumasok sa loob ng bahay ang biktima at hindi na lumabas hanggang sa madiskubre ang bangkay na nakabitin. Napag-alamang hikahos sa pananalapi ang biktima kaya hindi makayanan ang kahirapan sa buhay. (Ed Casulla)
CATANAUAN, Quezon Maagang kinalawit ni kamatayan ang isang 23-anyos na obrero makaraang makursunadahang pagsasaksakin ng isang 20-anyos na maton na malubha namang nasugatan dahil sa taga ng utol ng biktima, kamakalawa ng madaling-araw sa Barangay Milagrosa ng bayang nabanggit. Napuruhan sa ibat ibang bahagi ng katawan ang biktimang si Rizalito Gonzales, samantalang ginagamot naman sa Quezon Medical Center sa Lucena City ang suspek na si Godofredo Bermijo ng Buenavista, Quezon. Ayon kay PO3 Isagani Gonzales, magkasamang naglalakad papauwi ang biktima kasama ang utol at ina mula sa panonood ng sayawan nang salubungin ng suspek at isagawa ang krimen. Hindi naman nawalan ng loob ang utol ng biktima at pinagtataga ang suspek. (Tony Sandoval)
BrandSpace Articles
<
>
- Latest
- Trending
Trending
Latest
Trending
Latest
Recommended