Ang biktima na may tama ng bala sa ulo ay nakilalang si Joselito Cayabyab, vice president ng Pangasinan Cubao Operators and Drivers Association Inc. at residente ng Bayambang, Pangasinan.
Sa ulat ng pulisya, natagpuan ang bangkay ng biktima dakong alas-4:00 ng hapon ng mga nangunguha ng kahoy sa bahagi ng Sitio Kasili ng nasabing barangay.
Nabatid ng mga saksing hindi na nagpabanggit ng pangalan na nagulat na lang sila nang makitang inihulog ng tatlong kalalakihan ang kulay maroon na Highlander na may plakang WFH-559 sa may 30 metrong lalim ng bangin.
Lalo silang nasindak na habang nahuhulog sa bangin ang sasakyan ay bumukas ang unahang pinto nito ay nahulog doon ang bangkay ng biktima.
Matapos ang pangyayari ay mabilis na umalis ang mga suspek, samantala, agad namang humingi ng tulong sa kinauukulan ang mga kabataang nakasaksi sa insidente.
Lumalabas sa imbestigasyon na posibleng dinukot ang biktima at pinatay bago inihulog ito kasama ang sasakyan upang mapalabas na aksidente ang nangyari.
Nagsasagawa na ng masusing imbestigasyon ang pulisya para sa agarang pagresolba ng kaso.