Obrero dinedo ng katiwala
Nagkabutas-butas ang katawan ng isang 21-anyos na obrero sa bayan ng San Rafael, Bulacan matapos na pagbabarilin ng isang farm caretaker noong Martes ng hapon, ayon sa ulat ng pulisya.
Kinilala ni P/Supt. Prudencio Legazpi, hepe ng 306th Provincial Mobile Group, ang biktimang si Jaymar Ramos y Vasallo ng Sitio Daang Bakal, Barangay Caingin ng nabanggit na bayan. Ang suspek ay nakilalang si Perfecto Balayo y Flores, 56, caretaker sa isang farm sa San Rafael na pag-aari ni Bobet Del Rosario. Ayon sa ulat ng pulisya, nagkita ang suspek at biktima sa bahay nina Orly at Glenn Anoche sa Barangay Caingin, subalit bigla na lamang pinaputukan ni Balayo ang biktima na ikinamatay nito. Nakarekober ang pulisya ng 14-basyo ng bala ng M16 rifle mula sa pinangyahiran ng krimen at nakakumpiska ng isang M16 rifle na may 27 bala mula sa suspek. (Dino Balabo)
CAVITE Dalawang kababaihan na posibleng may koneksyon sa sindikato ng bawal na gamot ang pinagbabaril hanggang sa mapatay ng dalawang lalaki sa bahagi ng Barangay H2, Dasmariñas, Cavite kahapon ng madaling-araw. Isa sa mga biktima ay kinilalang si Doris Aque ng Block 3 Lot 3, Phase 2, Saint Claire Subd. ng nabanggit na barangay, samantalang ang isa naman ay nasa edad 25 hanggang 30-anyos at may taas na limang talampakan ng Block 43 Lot 21, Barangay Sto. Niño. Positibo naman kinilala ng may-ari ng bahay ang isa sa dalawang suspek na si Omar "Ben" Balindong ng Barangay Datu Esmael, live-in partner ni Aque. Ayon kay P/Supt Mario Reyes, police chief ng nasabing bayan, isa sa mga biktima ay natagpuang nakabulagta sa gate ng bahay at may hawak na granada, samantalang si Aque ay nasa loob ng bahay. (Cristina Timbang)
Mister inisnab ni misis, nag-suicide |
SARIAYA, Quezon Isang construction worker na pinaniniwalaang inisnab ng sariling misis na umuwi mula sa panonood ng telebisyon ang iniulat na nagbigti sa kanilang bahay sa Barangay Pili, Sariaya, Quezon kamakalawa ng gabi. Ang biktimang natagpuang nakabitin sa loob ng kanilang kuwarto ay nakilalang si Ericson Apila y Claro. Sa imbestigasyon ni SPO1 Charlie Gutierrez, dumating sa kanilang bahay ang biktima mula sa trabaho na wala ang sariling misis kaya nakipag-inuman ng alak sa mga kaibigan. Napag-alamang sinundan at niyaya ng biktima ang kanyang misis na umuwi mula sa bahay ng biyanan, subalit inisnab ng babae dahil sa panonood ng TV. Umuwing mag-isa ang biktima hanggang sa matagpuan ng kanyang misis ang biktima na nakabitin. (Tony Sandoval)
Drayber tinodas sa dyipni |
CAMP SIMEON OLA, Legazpi City Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang 41-anyos na drayber ng dalawang hindi kilalang lalaki habang ang biktima ay nagmamaneho ng pampasaherong dyipni sa kahabaan sa Barangay Ilaor Sur, Oas, Albay kamakalawa ng gabi. Sapol sa ulo at duguang bumagsak ang biktimang si Charles Alber ng Barangay Libas, Maguiron, Guinobatan, Albay. Napag-alamang nagpanggap na pasahero ang dalawa at saka binaril pagsapit sa nabanggit na barangay. Matapos ang krimen ay agad na bumaba ng mga suspek at kinumander ang isang motorsiklo na pag-aari ni Leopoldo Saaletari bago tumakas patungo sa direksyon ng Barangay Busac sa bayan ng Oas. (Ed Casulla)