Ito ay kinumpirma ng iba pang sector ng organisasyon matapos kumalat ang maling impormasyon na si Vice Governor Jonvic Remulla na ang namamahala sa Cavite Provincial Capitol dahil bumaba na sa kanyang puwesto si Maliksi noong Martes, Abril 4.
Ayon sa mga kinauukulan, walang direktibang nag-uutos sa kanila na ihinto ang anumang transaksyon partikular na ang paglagda sa mga dokumento at tseke sa ilalim ng pamamahala ni Cavite Governor Maliksi.
Sinabi naman ng ilang opisyales ng banko na ayaw magpabanggit ng pangalan, kumunsulta na sila sa mga abogadong nagwika na walang pagdududa na si Gov. Maliksi pa rin ang nararapat bigyan ng kaukulang paggalang bilang gobernador dahil di pa naman naibababa ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang suspension order.
" Tinatanggap pa rin namin ang mga tsekeng pirmado ni Gov. Maliksi sa kabila nang pagpapadala sa amin ni Vice-Governor Jonvic Remulla ng memo noong Abril 4 na siya na ang acting governor at lahat daw na tsekeng pipirmahan ni Maliksi ay ibinbin. Hindi namin maaaring sundin ang naturang memo dahil sa kawalan ng mga dokumentong nagmumula sa Ombudsman at DILG ukol sa suspension ng gobernador," Ani Violeta dela Torre, branch head ng Development Bank of the Philippines sa bayan ng Dasmariñas, Cavite.
"Nang sumulat sa amin si Vice-Governor Remulla, gumawa rin kami ng kaukulang sagot, subalit hindi na siya nagpaabot ng anumang pahayag. Nang sulatan namin si Gov. Maliksi, sinabi ng kanyang provincial legal officer na si Atty. Leilani Grimares na lehitimo ang tungkulin ng gobernador dahil may nakabinbin siyang petisyon sa Supreme Court," dagdag pa Dela Torre.
Gayon pa man, patuloy ang paglalathala ng tatlong lokal na pahayagang na ang umaaktong gobernador ng Cavite ay si Vice Governor Jonvic Remulla.
Samantala, sa programang dinaluhan ni Remulla noong Biyernes sa graduation rites ng Cavite State University kung saan dumalo rin si Gob. Maliksi at si Pangulong Gloria Macapagal Arroyo bilang panauhing tagapagsalita, malinaw na ipinakilala ng Pangulo si Maliksi bilang Gobernador at si Remulla bilang Bise Gobernador.
Sa kanyang lingguhang mensahe sa flag raising ceremonies, binalaan ni Maliksi ang mga Caviteño na huwag maniwala sa mga lumalabas na propaganda laban sa kanya at tunay na kalagayan ng lalawigan.