Personal na nagtungo si Alex Galang, Pilipino Star NGAYON correspondent kay P/Supt. Rene D. Ong, hepe ng 3rd Criminal Investigation and Detection Team (3rd-CIDT) para ipa-blotter ang naganap na pagbabanta ni Nestor Mago, operator at may-ari ng establisimyentong Georgetown disco na pinaniniwalaang kilalang putahan sa kahabaan ng highway na sakop ng Barangay Calapandayan, Subic, Zambales.
Napag-alamang kinompronta at pinagbantaan si Galang ni Mago, kasama ang apat nitong alalay na pawang armado ng malalakas na kalibre ng baril sa harapan ang maraming tao sa nabanggit na barangay.
Nag-ugat ang pagbabanta ni Mago laban kay Galang matapos malathala sa PSN ang talamak na putahan sa ilang club sa Subic kabilang ang pag-aari ni Mago noong Abril 8, 2006.
Ilang beses na umanong sinalakay ng pulisya ang establisimyento ni Mago, subalit makalipas lamang ang ilang araw ay patuloy pa rin sa kanyang illegal na operasyon sa kadahilanang may basbas ng mga kinauukulan. (Jeff Tombado)