Kabilang sa pitong nasawi ay si Eduardo Ona ng Rosario, Pasig City, Victor Argones, bus drayber; Jovy Emperino, 24; Kayla Marie Argones, 5, samantalang ang mga sugatan ay ginagamot sa Jane County Hospital sa bayang ito.
Ayon kay LTFRB Chairperson Ma. Elena Bautista, tatangap ng P30,000 death benefits ang pamilya ng mga nasawi, samantalang P12,000 hospital reimbursement sa bawat sugatang pasahero sa ilalim ng Phil. Accident Managers, Inc. at Universal Insurance Transport Solution, Inc.
Sa inisyal na imbestigasyong isinumite kay P/Supt. Joselito Conti, police chief ng Pagbilao, naitala ang sakuna dakong alas-2:30 ng madaling-araw matapos na umiwas ng RJ Transit Bus Liner (EVH 664) sa kasalubong na sasakyan, subalit nawalan ng kontrol at nagtuluy-tuloy sa malalim na bangin.
Napag-alamang mula sa bayan ng Lagonoy, Camarines Sur ang nasabing bus na nakarehistro sa pangalang Roberto Diaz ng Tabaco, Albay ay ika-10 na sa mga sasakyang nahuhulog sa nabanggit na bangin na pinaniniwalaang may "engkanto."
Ang tatlong babae na naunang namatay ay dinala sa Funeraria, samantalang ang huling apat na kinabibilangan ni Ona ay nakuha mula sa pagkakaipit ng bus ng mga tauhan ng Mirant Rescue Team, 415th PPMG, Pagbilao PNP at Provincial Disaster Coordinating Council (PDCC)
Patuloy pang nagsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya upang matukoy ang tunay na dahilan ng aksidente. (Tony Sandoval, Angie dela Cruz at Arnell Ozaeta)