Kinilala ni Sr. Inspector Dodgie Benaid, hepe ng Gen. Nakar Police ang mga napatay na sina Marilou Rubio-Sanchez, 42, at Virgilio Rubio, 40, kapwa residente ng Sitio Anibungan, Barangay Magsikap habang bugbog sarado ang lider ng Bayan Muna sa District 1 ng General Nakar na si Hilario "Larry" Sanchez, asawa ng napaslang na si Marilou.
Sina Marilou at Virgilio ay mga aktibong miyembro din ng Bayan Muna, District 1 sa bayan ng General Nakar, ayon kay Arman Albarillo, sec. gen. ng Bayan Muna Southern Tagalog.
Ayon sa report, bandang alas-2:30 ng madaling-araw, mahimbing na natutulog ang mga biktima nang pumasok sa kanilang bahay ang di mabilang na mga lalaki na pawang armado ng baril at sapilitang kinaladkad papalabas si Sanchez at pinagtulungang bugbugin hanggang sa mawalan ng ulirat.
Dahil dito, nagtangka umanong umawat si Marilou at kapatid na si Virgilio hanggang sa sila naman ang pagbalingan ng mga suspek at pagbabarilin sa ulo at katawan sanhi ng kanilang agarang kamatayan.
Isa naman ang iniulat na nawawala matapos na tangayin ng mga di-kilalang suspek.
Mabilis na tumakas ang mga suspek matapos ang insidente habang inaalam pa rin hanggang sa ngayon ang motibo ng pamamaslang.
Kasalukuyan nang nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga elemento General Nakar Police upang matukoy at mahuli ang mga suspek habang inilagak muna si Sanchez sa pangangalaga ni Brgy. Masikap chairman Gerry Ritwal para sa kanyang seguridad.
Mariin namang kinondena ni Bayan Muna-Southern Tagalog Secretary General Albarillo ang karahasang nangyari at tuwirang itinuturo ang Armys 16th Infantry Battalion (IB) na siyang nasa likod ng pamamaslang.
Bilang reaksyon, sinabi ni AFP Spokesman Major Gen. Jose Angel Honrado sa grupo ng Bayan Muna na kung may reklamo sa militar ay magsampa na lamang ng kaso sa korte. (Arnell Ozaeta at Joy Cantos)