‘Bading’ kinatay ng lover

DAET, Camarines Norte Brutal na kamatayan ang sinapit ng isang 32-anyos na lalaki na pinaniniwalaang bading makaraang pagsasaksakin ng kanyang lover dahil sa matinding selos, kamakalawa ng madaling-araw sa Barangay 6, Bagasbas Road sa nabanggit na bayan.

Apatnapu’t tatlong saksak ng patalim ang tumapos sa buhay ng biktimang si Marlon Villamora ng J. Lukban Extension, Barangay 3 ng naturang bayan.

Hindi naman nakilala ang lalaking kasama ng biktima sa boarding house sa Rieza Building na agad tumakas matapos isagawa ang krimen.

Ayon kay P/Insp. Benito Basillo Jr., opisyal ng pulis sa bayan ng Daet, bandang alas-4 ng madaling-araw nang makarinig ang mga kapitbahay nang sigawan, subalit binalewala nila sa pag-aakalang away lover lamang.

Ayon pa sa ulat, nadiskubre ang krimen matapos na usisain ng ilang kapitbahay ang boarding house ng biktima.

May teorya ang pulisya na nag-away ang dalawa dahil sa matinding selos. (Francis Elevado)

Show comments