Naisugod pa sa Tolentino Clinic and Hospital sa bayan ng Sto. Domingo, ang biktimang si San Juan Vice Mayor Richard V. Varilla, subalit idineklarang patay dahil sa dalawang bala ng caliber 9mm na tumama sa likurang bahagi ng ulo.
Ayon kay PO3 Romar P. Renon, ang biktima na pinakamataas na opisyal ng lokal na pamahalaan sa Ilocos Sur na pinaslang sa taong kasalukuyan, ay nagkaroon nang mainitang pagtatalo bago barilin ng sariling anak na si Bander P. Varilla, 23, sa kanilang bahay bandang alas-6:30 ng gabi.
Narekober sa pinangyarihan ng krimen ang dalawang basyo ng 9mm na baril na ginamit sa pamamaslang.
Tugis ng pulisya ang suspek na isang Criminology student.
Napag-alamang nairita ang suspek sa kanyang ama matapos ang hindi malinaw na komprontasyon kaya pinaputukan ng dalawang ulit sa ulo ang biktima.
Ikalawa na sa talaan ng pulisya ang pagpatay kay Vice Mayor Varilla, na naunang paslangin si Councilor Pail Anthony Benito Lucero, 41, na tinambangan ng mga hindi kilalang kalalakihan habang nagmamaneho ng kanyang kotse sa bayan ng Bantay, Ilocos Sur noong Marso 9, 2006.
Kasalukuyang hindi pa mareresolba ang pagpatay kay Lucero na pinaniniwalaang may kaugnayan sa negosyo at politika, ang motibo ng krimen. (Dagdag ulat ni Angie dela Cruz)