CAVITE Tinambangan at napatay ang isang retiradong fire marshal officer ng hindi kilalang suspek habang ang biktima ay naka-motorsiklo at bumabagtas sa kahabaan ng highway na sakop ng Rosario, Cavite kahapon ng umaga. Bandang alas-5:30 ng umaga nang harangin at pagbabarilin ang biktimang si Edison Tabar, 60, ng Barangay Tejeros, Rosario, Cavite. Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa naganap na insidente
. (Cristina Timbang) Barangay chairman nilikida |
CAMP OLIVAS, Pampanga Pinaniniwalaang bentahan ng lupa ang isa sa motibo kaya pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang 43-anyos na barangay chairman ng hindi kilalang lalaki habang ang biktima ay nakikipagpulong sa mga barangay kagawad at tanod sa bahagi ng Barangay Del Carmen, Floridablanca, kamakalawa ng gabi. Walong bala ng baril ang tumapos sa buhay ni Alex Susi Magat. Ayon kay P/Supt. Odie Atienza, hepe ng pulisya, nilapitan at pinagbabaril ng isa sa dalawang suspek na naka-motorsiklo ang biktimang nakikipagpulong sa kanyang mga kagawad sa Barangay Hall
. (Resty Salvador) KAMPO SIMEON OLA, Legazpi City Isang kawal ng Phil. Army at isang Cafgu ang iniulat nasawi makaraang tambangan ng mga rebeldeng New Peoples Army (NPA) habang nagpapatrulya ang mga biktima sa Barangay Batang, Irosin Sorsogon, kahapon ng umaga. Kabilang sa napatay ay sina T/Sgt. Joel Alivin ng 2nd Infantry Battalion at Allan Tolosa, miyembro ng Cafgu ng Barangay Gabao. Samantala, sugatan at nasa Irosin District Hospital si Michael Frejas, isa ring Cafgu. Sa ulat ni Col. Roberto Morales hepe ng Task Force Tiwasay, naganap ang insidente habang sinusuyod ng mga tauhan ng 1st SOR CAA "A" Coy, 2nd Infantry Battalion ng Phil. Army ang liblib na bahagi ng nabanggit na barangay
. (Ed Casulla) Pulis tinodas sa harap ng pamilya |
CAMP CRAME Tinodas sa harapan ng sariling pamilya ang isang 40-anyos na pulis na nakatalaga sa Traffic Management Group (TMG) makaraang pagbabarilin habang kumakain sa kanilang bahay sa panulukan ng Navarro at Espina Street, Surigao City, kamakalawa ng gabi.Kinilala ang biktima na si PO3 Celedenio Dumagtoy. Ayon kay P/Senior Supt. Ernesto Tesoro Jr., Director ng Regional Traffic Management Office-3, naganap ang krimen sa loob ng tahanan ng biktima habang kumakain kasalo ang asawat mga anak dakong alas-7 ng gabi
. (Joy Cantos)