Tinodas dahil sa masamang titig

CAVITE – Pinaniniwalaang masamang titig ang naging dahilan kaya pinagsasaksak hanggang sa mapatay ang isang 32-anyos na mister ng kanyang ka-barangay sa naganap na karahasan sa ACM Paramount Homes Subd., Barangay Navarro, General Trias, Cavite kamakalawa. Kinilala ng pulisya ang biktimang pinaslang na si Arnold Espina, samantalang arestado naman ang suspek na si Roberto Viajar, 45.

Base sa imbestigasyon ni PO2 Lorena Legaspi, napadaan ang biktima sakay ng kanyang bisekleta sa harapan ng suspek na nakaupo. Ayon pa sa ulat, nagalit ang suspek na pinaniniwalaang minasama nito ang pagkakatitig sa kanya ng biktima kaya isinagawa ang krimen. (Cristina Timbang)
Trader binoga ng kabesa
CAMP CRAME – Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang 54-anyos na trader ng isang barangay chairman makaraang magkainitan ang dalawa sa Barangay Muyco, Sara, Iloilo, ayon sa ulat kahapon. Kinilala ng pulisya ang biktimang si Roberto Aran na naisugod pa sa Sara District Hospital, subalit idineklarang patay.

Tugis ng pulisya ang suspek na si Barangay Captain Rogelio Oracion na kaagad tumakas matapos ang krimen. Pinaniniwalaang matagal ng alitan ang isa sa motibo ng insidente. (Joy Cantos)
Bar owner itinumba
CAMP VICENTE LIM, Laguna – Isang 33-anyos na bar owner ang iniulat na pinaslang makaraang pagbabarilin ng isa sa apat na armadong kalalakihan sa loob ng videoke bar na pag-aari ng biktima sa bahagi ng Hernandez St., Barangay Landayan, San Pedro, Laguna noong Martes ng gabi. Tatlong bala ng baril sa likuran ang tumapos sa buhay ni Romy Velasco ng South Fairway Subd. ng nabanggit na barangay. Ayon kay P/Supt. Sergio Dimandal, police chief ng bayang nabanggit, nilapitan ng apat na senglot na suspek ang biktima bago nagtanong hanggang sa magkainitan at nauwi sa pamamaril. (Arnell Ozaeta)
Killer ng ex-kabesa tinutugis
Isang manhunt operation ang isinasagawa ng mga pulis-Tanauan City laban sa suspek na pumaslang sa isang 57-anyos na dating barangay captain na kaalyado ni Mayor Sonia Torres Aquino. Base sa ulat ng pulisya, ang biktimang si Rodolfo Marasigan ay binaril at napatay habang nagmamaneho ng kotse ((CHC-921) sa lumang sementeryo sa Barangay Sumbat, Tanauan City, Batangas. Bagama’t isinugod ang biktima sa Mercado General Hospital ay hindi na naisalba ang kanyang buhay. Agad namang inutos si Tanauan City Mayor Aquino kay P/Supt. Manuel Abu, ang malawakang pagtugis laban sa killer ni Marasigan kasabay ng panawagan sa publiko na ipagbigay-alam sa kinauukulan kung may impormasyon silang nalalaman sa kinaroroonan ng killer. (Doris Franche)

Show comments