CAMP CRAME Anim-katao ang malubhang nasugatan makaraang sumabog ang inihagis na granada ng hindi kilalang lalaki sa videoke bar sa Jolo, Sulu kamakalawa ng gabi. Kabilang sa mga biktimang tinamaan ng shrapnel ng granada ay sina Mati Baanan, Nizaam Simsuya, Benhur Abas, Aldemar Sahaji, Reyan Hassan, at Gedy Mendoza, pawang residente ng Barangay Asturias ng nasabing bayan. Hindi naman kaagad natukoy ng mga awtoridad ang motibo ng insidente na posibleng kaaway ng isa sa mga biktima ang naghagis ng granada.
(Joy Cantos) PALAYAN CITY, Nueva Ecija Tatlong kalalakihan ang bumagsak sa kalaboso makaraang maaktuhan ng pulisya na nagnanakaw ng mga barbed wire sa mango farm sa Sitio Tablang, Barangay Atate, Palayan City, kamakalawa ng hapon. Pormal na sinampahan ng kaukulang kaso ang mga suspek na sina Jeremias Driza, Ronald Corpuz y Tolentino at Reynaldo Avila. Ayon sa ulat, ang mga suspek ay itinuro sa pulisya ng may-ari ng farm na si Abdon Santiago habang isinasakay ang mga ninakaw sa owner-type jeep (CJK 260). Nagawa naman makatakas ang ikaapat na suspek na si Encar Combe.
(Christian Ryan Sta. Ana) 4-tulak ng droga nasakote |
CAMP VICENTE LIM, Laguna Bumagsak sa kamay ng mga awtoridad ang apat na kalalakihan na pinaniniwalaang notoryus na drug pusher sa isinagawang serye ng operasyon sa Barangay Sabang, Puerto Galera, Oriental Mindoro, kamakalawa. Kabilang sa kinasuhang suspek ay kinilalang sina Isaias Mortel, alyas Boy Justin, Julio Vicente, Randy Lopez, at Muhammad "Mama" Tan. Ayon kay Mimaropa Chief Supt. Delfin Genio Jr., si Mortel at Vicente ay nakumpiskahan ng 3 gramo ng shabu, samantalang si Lopez na chief cook ng Tamarind Restaurant ay 5 gramo ng shabu. Si Tan na pinaniniwalaang drug courier mula sa Muntinlupa City ay nakumpiskahan ng 10 gramo ng droga.
(Arnell Ozaeta) Negosyante dedo sa holdap |
BATAAN Binaril at napatay ang isang 51-anyos na negosyanteng Bumbay ng tatlong armadong kalalakihan makaraang harangin ang biktimang naka-motorsiklo sa bahagi ng Barangay Calungusan, Orion, Bataan kamakalawa ng umaga. Napuruhan sa ulo ang biktimang si Harnek Singh ng Barangay Rizal. Ayon kay P/Supt. Asterio Cumigad, police chief ng Orion PNP, tinangay ng mga holdaper ang motorsiklo (MC 4378) at celfone ng biktima.
(Jonie Capalaran)