Community organizer tinodas

BACOLOD CITY – Niratrat at napatay ng tatlong hindi kilalang kalalakihan ang isang 39-anyos na organizer ng militanteng grupo na Task Force Mapalad sa bahagi ng Hacienda del Fuego 2, Dos Hermanas, Silay City noong Sabado. Sapol sa ulo at dibdib ang biktimang si Rico Adeva, samantalang nakaligtas naman ang misis nito na si Nenette. Ayon sa pulisya, papauwi na ang mag-asawa mula sa palengke at habang nakatawid na sa Imbang River ay biglang sumulpot ang tatlong kalalakihan mula sa sugarcane field. Inatusang lumuhod si Nenette, samantalang pinagbabaril naman si Rico hanggang sa duguang bumulagta. Ayon kay P/Chief Supt. Charles Calima, posibleng may kinalaman sa krimen ang tatlong lalaki na nakasuntukan ng biktima sa isang sayawan, kamakailan. (Antonieta Lopez)

Show comments