Ayon kay Commander Rufino Velasco, coastguard station commander of San Jose, ang mga biktima ay maaaring itinatago ng mga pirata sa baybayin sa pagitan ng Mindoro at Palawan.
Matatandaang umalis ang pumpboat sa pantalan ng San Jose bandang alas-4:30 ng umaga noong Biyernes, Marso 31, pero hindi na ito nakarating sa kanyang destinasyon sa Coron, Palawan.
"Nagalugad na namin ang buong area nitong nakaraang dalawang linggo, subalit wala kaming natagpuang kahit ang palatandaan sa mga biktima," pahayag ni Velasco sa PSN.
Nakipag-ugnayan na rin ang coast guard sa mga commercial shipping companies upang iulat kung may mga nadaanan silang mga palatandaang lumubog na banka, pero bigo ang mga ito.
"Kung lumubog man sila, siguradong may lulutang sa dagat kahit debris ng pumpboat o katawan ng biktima, pero hanggang ngayon wala, kaya malaki ang paniniwala naming dinukot sila ng mga pirata at itinatago sa liblib na bahagi ng Mindoro o Palawan," dagdag pa ni Velasco.
Kinalala ni Velasco ang mga biktimang nawawala na sina Alwin Dalisay, Rufino Javier, Romel Magtibay, Ben Velasquez, Manolino Velasquez, Roselle Claveria, Reynaldo Monterey at Ronato Gilman mga pawang residente ng Taysan, Batangas at mga empleyado ng M4 Construction na kinontrata ng Smart Telecommunications Company.
Ang tatlong tripulante ng pumpboat ay sina Lauro Malibiran, boat captain, Rudy Malibiran at Roy Puro.
Nakipag-ugnayan na rin ang Philippine Coast Guard sa AFP-Western Command, Philippine Airforce at Philippine National Police para sa paghahanap sa mga dinukot na biktima.
Inumpisahan na ng PCG San Jose station auxiliary unit M/V Sharylle sa pangunguna ni Lt. Lemuel Sangco Jr. na galugarin ang bisinidad ng Panagatan at Sibay Islands hanggang sa Caluya Island sa Antique at Boracay Island. Pinasadahan na rin ng Philippine Air Force ang Apo reef, Busuangga sa Palawan at coastal areas ng Occidental Mindoro pero hindi pa rin nila ito natagpuan. (Arnell Ozaeta)