Misis, lover dinedo ng mister

CAMP CRAME — Magkahalong poot at panibugho ang nagtulak sa isang pulis para pagbabarilin hanggang sa mapatay ang sarili nitong misis at kalaguyo na naaktuhang magkasama sa palengke ng Bongao, Tawi-Tawi, ayon sa ulat kahapon.

Kinilala ng pulisya ang mga biktimang sina Hadja Unnoh at kalaguyo nitong si Ausal Masdal ng Bannaran, Tungusug, Sapa-Sapa sa bayan ng Bongao.

Samantala, dalawa naman sibilyang sina Bryan Idris at Sixto Agan Toledo ang tinamaan ng ligaw na bala ng baril at ginagamot ngayon sa Datu Halun Memorial Hospital.

Walang pagsisising sumuko sa kaniyang superior ang suspek na si SPO1 Hajjal Unnoh matapos ang krimen.

Bandang alas-2:10 ng hapon nang maispatan ng suspek ang kanyang misis at lover nito na magkasama na naman sa public market at dahil sa naging usap-usapan sa kanilang lugar na may kalaguyo ang babae ay nagdilim ang paningin nito at pinagbabaril hanggang sa mapatay ang dalawa.

Sa presinto, inamin ng suspek na hindi na niya makayanan ang matinding sakit na idinulot ng kaniyang misis at hindi lamang sa kaniyang pagkalalaki kundi maging sa kanilang pamilya ang paglalaro ng apoy ng kanyang misis. Inihahanda na ang pagsasampa ng kaukulang kasong kriminal laban sa naturang suspek. (Joy Cantos)

Show comments