Mayor Meneses natodas sa retreat

BULACAN, Bulacan – Kinalawit ni kamatayan habang nagbibigay ng payo sa idinaos na retreat-recollection ng mga kawani ng munisipyo ng bayan ng Bulacan si Mayor Ricardo Meneses noong Biyernes ng gabi sa Tagaytay City, Cavite.

Ayon kay Galdys Sta. Rita, provincial administrator, si Meneses, 51, ay inatake sa puso habang nagsasalita sa mga empleyado nito sa isinagawang retreat.

Napag-alamang si Vice Mayor Mary Villena ang papalit sa puwesto ni Bulacan Mayor Meneses na ikaapat na alkalde sa nasabing lalawigan na namatay sa panahon ng panunungkulan mula noong 2000.

Bilang isang pulitiko, si Meneses na naging Bokal noong 2001 sa unang distrito ng Bulacan, matapos na maging konsehal ay nakilala sa pagiging mapagbiro at sa mga talumpati na nagbibigay-aliw sa kanyang mga tagapakinig.

Matatandaan na si Mayor Esteban Paulino ng bayan ng Donya Remedios Trinidad ay inambus at napatay noong Disyembre 2001.

Sumunod naman si Mayor Jaime Vista noong Disyembre 2002 na namatay sa sakit, samantala si Mayor Dominador Gonzales ng Paombong ay namatay din sa atake sa puso noong Marso 2005.

Samantala, nagpahayag naman ng pakikiramay ang Liga ng mga Alkalde sa Bulacan sa pamumuno ni Mayor Ambrosio Cruz ng Guiguinto.

"Nakapanghihinayang dahil bata pa at halos nagsisimula pa lamang si Mayor Ricky, pero wala tayong magagawa kungdi unawain na iyon ang kaloob ng Diyos para sa kanya," ani Cruz. (Dino Balabo at Cristina Timbang)

Show comments