Trader kinatay ng 4 kapitbahay
April 7, 2006 | 12:00am
NUEVA ECIJA Isang 47-anyos na negosyante ang iniulat na nasawi makaraang pagtulungang gulpihin at pagtatagain ng kanyang apat na kapitbahay sa Purok Narra, Barangay Pamaldan, Cabanatuan City, Nueva Ecija, kamakalawa ng gabi. Kinilala ni P/Senior Supt. Jesus Gordon Dezcanso, hepe ng pulisya, ang biktima na si Marcelo Cuevo y Castillo. Samantala, naaresto naman ng pulisya ang isa sa mga suspek na si Angeles Santiago y Sta. Maria, 42, habang tugis naman sina Angelo Santiago y Almasan, Arman Dayao, at Elias Dayao. Ayon sa pulisya, may matinding alitan ang biktima at mga suspek hanggang sa nagkataong nagkasalubong sa kalsadang sakop ng nabanggit na barangay kaya naganap ang krimen. (Christian Ryan Sta. Ana)
LUCENA CITY Tatlo-katao na pinaniniwalaang nagsasagawa ng dynamite fishing ang dinakip ng mga awtoridad makaraang makumpiskahan ng 880 kilong isda na nakatago sa 22 styrofoam boxes sa bahagi ng Lucena City, Quezon kamakalawa ng madaling-araw. Pormal na kinasuhan ang mga suspek na sina Armand Guevarra, 30, biyahero; Nolito de Vera, 29, driver at Jerry Salameda, 23 , na pawang mga residente ng Paracale, Camarines Norte. Ayon kay P/Senior Supt. Remberto G. Cataluña, acting regional officer ng PNP-Maritime Region 4-A, ang nakumpiskang kargamento ay lulan ng isang 6 wheelers Isuzu Elf truck na may plakang WEF 247 mula sa bayan ng Paracale, Camarines Norte patungong Maynila. (Tony Sandoval)
CAVITE Maagang kinalawit ni kamatayan ang mag-utol na lalaki matapos na sumalpok ang sinasakyang kotse sa isang punongkahoy sa kahabaan ng Barangay Lalaan 2 sa bayan ng Silang, Cavite, kamakalawa ng hapon. Kinilala ng pulisya ang mga biktimang namatay na sina Augusto Biaton, 60; at Ignacio Biaton 71, kapwa negosyante at residente ng nabanggit na barangay. Sa imbestigasyon ni PO2 Dennis Patambang, nawalan ng kontrol sa manibela ang drayber ng Honda Accord (TLH 388) na si Augusto kaya bumangga sa punongkahoy na nasa kanang bahagi ng kalsada. Naisugod pa sa Estrella Hospital ang mag-utol, subalit binawian ng buhay habang ginagamot. (Cristina Timbang)
BrandSpace Articles
<
>
- Latest
- Trending
Trending
Latest