Kabilang sa mga tinukoy na establisimyento na nasa kahabaan ng highway sa Barangay Calapandayan at pinaniniwalaang nagbibigay ng lingguhang tara sa mga kinauukulan para hindi masawata ang lantarang putahan at malalaswang panoorin ay ang Georgetown Disco & Videoke, Pepecaca Superdisco, Curacha, Klub Ma-el, Mama Rose massage parlor, 392 Sesame Street Club, 16-anyos Bar at Hotline Disco.
Kabilang sa mga modus operandi sa nabanggit na establisimyento ay ang pagkakaroon ng pa-raffle na ang premyo ay mga menor-de-edad na kababaihan na maaari nitong iuwi o ilabas ang napanalunang guest relation officer (GRO).
Napag-alamang kumukulekta ng malaking halaga ang mga tauhan ng pulisya at ilang opisyal ng pamahalaan mula sa mga nasabing establisimyento para hindi maabala sa kanilang modus operandi.
Napag-alaman na ilang beses na ring sinalakay ng mga tauhan ng CIDG Regional Office 3 ang mga putahan noong nakalipas na taon dahil na rin sa mga reklamo mula sa mga konsernadong residente, subalit hindi nagtatagal ay muling nagbubukas at patuloy pa rin ang modus operandi ng mga may-ari dahil sa basbas ng mga tiwaling opisyal ng Subic, Zambales.
Sa kabila ng pagkondena at pag-apila kay Mayor Khonghun ng samahan ng mga kababaihan at maging ng simbahang katolika ay bigo pa rin ang naturang alkalde na umaksyon sa kanilang mga hinaing. (Alex Galang)