Armado ng search warrant na inisyu ni Judge Bienvinido Mapaye ng Lucena Regional Trial Court Branch 55 nang postehan ng mga awtoridad ang Delgic Gaming Playstation Center na pinaniniwalaang pag-aari ni Bryan Laredo.
Subalit bandang alas-12:15 na ng tanghali ay sarado pa ang establisimyento kung kayat nagpasya na si P/Supt. Ricardo Sto. Domingo Jr., team leader ng composite team na gamitan na ng bolt cutter ang seradura ng tindahan upang ito ay mabuksan.
Pagbukas pa lamang ng tindahan ay tumambad na kaagad sa mga awtoridad ang napakaraming pirated VCDs at DVDs.
Sinabi ni Sergio Valdez, Optical Media Board Enforcement Section na maituturing nilang pinakamalaki sa Southern Tagalog ang isinagawang operasyon dahil sa laki ng volume ng mga nakumpiskang piniratang VCDs at DVDs.
"Noon pang nakaraang taon ay nasa ilalim na ng surveillance ang naturang establisyemento, subalit hindi kaagad kami nakapagsagawa ng raid dahil sa karamihan ng trabaho ay nasa Metro Manila," dagdag pa ni Valdez.
Itinanggi naman ng mga kaanak ng may-ari ng tindahan na sila ang supplier ng mga piniratang VCDs at DVDs sa nabanggit na lungsod, bumibili lamang umano sila ng mga tingi-tingi sa Quiapo, Manila saka ibinebenta sa nasabing lugar. (Tony Sandoval)