Namatay habang ginagamot sa ospital sanhi ng mga grabeng pinsala sa katawan at ulo si Lorna Pasamba, samantala, inoobserbahan ang kanyang dalawang anak na sina Jessica, 16, fourth year high school at John Rafael, 9-buwan gulang.
Sa imbestigasyon nina SPO1 Gerardo de Chavez at SPO1 Benjie Jabrica, naitala ang insidente dakong alas-6:30 ng gabi habang magkakasamang nanonood ng telebisyon ang mag-iina sa loob ng kanilang bahay.
Bigla na lamang bumangga sa bahay ng mga biktima ang isang Alfa Nissan Camper (TFT-983) na minamaneho ni dating Quezon 1st district Board Member Claro Talaga, kapatid ni Lucena City Mayor Ramon Talaga Jr.
Sa lakas ng pagkakabangga ay nawasak ang bahay ng mga pamilya Pasamba na malubhang ikinasugat din ni Claro Talaga.
Lumalabas sa pagsisiyasat na binabagtas umano ni Talaga ang kahabaan ng Maharlika Highway patungo sa Lucena City ng mawalan ng control at tuluy-tuloy na bumangga sa bahay ng mga biktima.
May teorya naman ang pulisya na nakainom ng alak ang dating board member kung kayat nawalan ito ng kontrol sa pagmamaneho. (Tony Sandoval)