Ayon kay P/Senior Supt. Ahiron Ajirin, Sulu provincial director, bandang alauna y kinse ng hapon ng yanigin ng pagsabog ang Sulu Consumers Cooperative sa downtown ng Jolo.
Kasalukuyang hindi pa natutukoy ang mga pangalan ng siyam na nasawi, habang dalawampu pa ang sugatan kabilang ang ilang bata na isinugod sa Sulu General Hospital.
Kabilang sa anggulong sinisilip ng mga awtoridad ay ang posibleng kinalaman ng mga bandidong Abu Sayyaf sa nasabing pambobomba.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, ang bomba na isang explosive improvised device ay inilagay sa unang palapag ng 2-storey na gusali.
Napag-alamang kabubukas lamang ng nasabing kooperatiba nang biglang sumabog ang bomba na kumitil ng maraming buhay at lumikha ng matinding tensyon sa mga residente.
Ang Sulu Consumers Cooperative ay tumatayong pinakamalaki sa mga kooperatiba na nagseserbisyo sa mga residente sa nasabing lalawigan na matatagpuan sa kapitolyo ng Jolo.
Sa follow-up operations ng mga operatiba ng pulisya ay isang suspek ang nasakote na pansamantalang itinago ang pangalan habang sumasailalim sa masusing tactical interrogation upang alamin kung kasapi ito ng Abu Sayyaf Group.
Sa tala ng AFP ang mga bandidong Abu Sayyaf na may ugnayan sa al Qaeda terrorist network ay sangkot sa serye ng pambobomba, kidnap-for-ransom (KFR) sa rehiyon ng Mindanao. (Joy Cantos)