Kinilala ni Chief Supt. Delfin Genio, Region 4B (Mindoro, Marinduque, Romblon and Palawan) Police Director ang mga biktimang sina Bulacan 2nd District board member Norlito Gonzalez Trinidad, 41, at Private First Class (Pfc.) Angelo Ray Barrios, miyembro ng 80th Infantry Battalion (IB) ng Philippine Army.
Sugatan naman sina Army Pfc. Camarinas, mga civilian na sina Roel Galvez ng Balagtas, Bulacan at Noel Ambito ng Brgy. Talapaan, Mamburao, Occidental Mindoro na pawang nagtamo ng mga tama ng bala sa kanilang mga katawan.
Ayon sa report, bandang alas-10 ng umaga nang umalis mula sa Brgy. Talapaan sina Trinidad kasama ang mga minero at investor na sina Engr. George Bagoongan, Rene Baldras, Jay Parson Pajayon, ang negosyanteng Taiwanese na nakilala lamang na Mr Lee, Galvez at Ambito.
Sinabi ni Genio na nakatakda sanang magsagawa sina Trinidad at mga kasamahan nito ng isang onsite project ocular inspection sa Green Gemstone Mining site sa Sta. Cruz kasama ang walong miyembro ng 80th IB-Alpha Company sa pangunguna ni Lt. Coronado para sa layuning pangseguridad nang maganap ang di-inaasahang insidente.
Bandang alas-4:30 ng hapon nang makarating ang grupo ni Trinidad sa Sitio Sibahuyan, Brgy. Alacaap sa Sta. Cruz at papatawid na sana ng isang ilog nang tambangan sila ng humigit kumulang 30 rebelde na armado ng matataas na kalibre ng baril.
Dead-on-the-spot si Trinidad at Pfc. Barrios sa unang bugso ng patukan na tumagal hanggang 15 minuto. Matapos ang putukan, mabilis na tumakas ang mga rebelde patungo sa mabundok na bahagi ng barangay bago pa makarating ang reinforcement mula sa PNP Regional Mobile Group (MIMAROPA), 408th Provincial Mobile Group at Sta. Cruz Municipal Police Station. (Arnell Ozaeta At Dino Balabo)