Isa sa apat na napatay sa shootout ay si Peter Soriña, lider ng mga kidnaper na may patong sa ulong P.3 milyon at kabilang sa talaan ng sampung most wanted person na pinuno ng KFR gang sa bansa.
Kasalukuyang inaalam ang pagkakakilanlan ng tatlo pang bumulagtang kidnaper na walang identification card na makuha sa kanilang katawan.
Base sa ulat ni P/Senior Supt. Freddie Panen, Rizal provincial director, sumailalim sa surveillance operations ng PACER ang grupo ni Soriña na sangkot sa apat na kaso ng kidnapping sa Metro Manila at karatig lugar kabilang ang kidnap-slay sa biktimang si Arturo Picones na may-ari ng videoke bar noong 2005.
Napag-alamang si Picones na isang negosyante sa bayan ng Angono, Rizal ay kinidnap at pinaslang ng grupo ni Soriña matapos na mabigo ang pamilya nitong magbayad ng ransom sa mga kidnaper.
Ayon kay Deputy Director Oscar Calderon, hepe ng PACER, na dakong alas-3:15 ng madaling-araw nang maispatan ng mga operatiba ng PACER ang kulay puting Mitsubishi Adventure na may plakang WLT 324 na sinasakyan ng grupo ni Soriña sa Pasig City kung saan nag-umpisa ang habulan.
Pagsapit sa kahabaan ng Highway 2000 na sakop ng Barangay San Juan sa Taytay, Rizal ay pinaputukan ng mga suspek ang behikulo ng mga tauhan ng PACER matapos na matunugang hindi sila lulubayan ng mga ito na nagbunsod sa mainitang palitan ng putok sa pagitan ng magkabilang panig.
Matapos na mahawi ang usok ay duguang bumulagta ang apat na kidnaper habang nakatakas naman ang dalawang kasamahan sakay ng hindi nabatid na behikulo at ngayoy target ng malawakang hot pursuit operations ng mga awtoridad.
Narekober sa pinangyarihan ng shootout ang isang cal .45 pistol, isang cal .38 revolver, mga bala, granada at malaking camouflage bag na may mga damit. (Edwin Balasa at Joy Cantos, at may dagdag ulat ni Ed Amoroso)