Ayon kay P/Supt. Jolly Dizon, hepe ng pulisya ng Baliuag, naitala ang insidente ganap na alas-2:30 ng hapon matapos na pumasok at nagkunwaring depositor ang isa sa holdaper sa nabanggit na bangko.
Ilang sandali matapos makapasok sa banko ay agad tinutukan ng baril at dinisarmahan ang isa sa mga guwardiyang si Melvin Florida y Albaciete ng Protectors Security Agency saka pumasok ang tatlo pang kasama kabilang na ang babaeng buntis.
Agad na lumapit ang tatlong suspek sa mga bank teller at inutusang magsidapa, pagkatapos ay nilimas ang picop boxes ng mga teller na may halagang umaabot sa P300,000 bago nagsitakas.
Ayon sa pulisya, nadiskubre nila na hinoldap ang bangko dahil tumunog ang alarma nito na nakakonekta sa kanilang himpilan pagkaalis ng mga armadong suspek.
Ang Union Bank ay matatagpuan sa kahabaan ng Benigno Aquino Avenue sa bayan ng Baliuag na may layo lamang na 500 metro mula sa himpilan ng pulisya.
Sinisilip ng pulisya ang anggulong inside job matapos matuklasan na hindi gumana ang security surveillance camera ng bangko kayat walang mapagkakilanlan ng mga suspek. (Dino Balabo)