Holdap: Mister patay, misis sugatan

TIAONG, Quezon – Pinagbabaril hanggang sa mapatay ng dalawang hindi kilalang lalaki ang isang 39-anyos na mister, habang sugatan naman ang misis nito sa naganap na holdap sa bahagi ng Barangay Lalig, Tiaong, Quezon, kamakalawa ng gabi. Kinilala ng pulisya ang nasawing biktima na si Armando Cuevas, samantalang ginagamot naman sa ospital sa San Pablo City dahil sa tama ng bala sa hita ang misis nitong si Teresita, 37, kapwa residente ng Barangay Poblacion Uno. Sa imbestigasyon ni PO1 Rodel Martin, sakay ng motorsiklo ang mag-asawang Cuevas patungo sa kanilang bahay nang harangin at holdapin ng dalawang suspek. Nang tumangging ibigay ni Armando ang bag na kinalalagyan ng malaking halaga ay pinagbabaril sila ng mga suspek saka sapilitang kinuha ang pera at naglakad na tumakas. (Tony Sandoval)
Aircon bus sinunog ng NPA
MARIVELES, Bataan – Isa na namang pampasaherong aircon bus na nakaparada sa Bataan bus terminal ang sinunog ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa naganap na karahasan sa Barangay San Isidro, Mariveles, Bataan, kahapon ng madaling-araw. Aabot sa 20 rebelde ang sumalakay sa bus terminal at dinisarmahan ang nag-iisang security guard saka binuhusan ng gasolina ang aircon bus na may body no. 2583. Habang nagliliyab ang bus ay agad na nagsitakas ng mga rebelde. Ayon kay P/Senior Supt. Hernando Zafra, provincial director, ito ang ikalawang aircon bus ng Bataan Transit ang sinunog ng mga rebelde simula noong Oktubre 2005 na pinaniniwalaang may kaugnayan sa revolutionary taxes. Hindi naman sinaktan ang nag-iisang sikyu, maging ang ilang kawani ng nasabing kompanya. (Jonie Capalaran)
Katiwala dinedo ng sikyu
CAVITE – Binaril at napatay ang isang 26-anyos na caretaker ng motor shop ng isang sikyu sa naganap na karahasan sa Barangay Anabu 1-A, Imus, Cavite kahapon ng umaga. Kinilala ng pulisya ang biktima na si John Constantino, tubong Marinduque at katiwala ng Impreza Motors sa nasabing lugar. Samantala, tugis ng pulisya ang suspek na si Gambong Vellanos, 29, tubong Davao, security guard ng SPIT Fire Security And Investigation Agency at residente ng Antipolo City. Sa imbestigasyon ni PO1 Calvin Santos, natagpuan ang bangkay ng biktima sa loob ng silid nito na may tali sa kamay at may tama ng bala ng shotgun sa kanang pisngi ng mukha. May teorya ang pulisya na alitan sa trabaho ang isa sa motibo ng krimen. (Cristina Timbang)

Show comments