Kinilala ng pulisya ang biktimang si Cris Hugo, 21, senior Journalism student sa Bicol University, leader ng League of Filipino Students (LFS) at pansamantalang nakatira sa nabanggit na barangay.
Nabatid na ang biktima ay anak ng isang tauhan ng pulisya sa bayan ng Irosin, Sorsogon.
Napag-alamang papauwi na ang biktima sa kanyang boarding house matapos na ihatid ang sariling ina sa sakayan ng dyip patungo sa isang kamag-anak sa nasabing bayan.
Ganap na alas-10:15 ng gabi nang harangin ang biktima ng dalawang hindi kilalang lalaki at pinagtulungang barilin hanggang sa duguang bumulagta. Naisugod pa ang biktima sa Bicol Regional Training and Teaching Hospital, subalit idineklarang patay.
Hindi naman ginalaw ang kasama ng teacher na si Gremil Naz at nakaligtas sa tiyak na kamatayan.
Sinisilip ng mga tauhan ni P/Supt. Narciso Guarin, police chief ng Legazpi City kung may kinalaman ang kalabang fraternity, subalit iginiit ni Vencer Crisostomo, chairman ng LFS, na nasa likod ng insidente ang pamahalaang Arroyo.
Ang League of Filipino Students (LFS) ay binansagang communist front ng pamahalaang Arroyo, ayon kay Crisostomo.
Maging ang militar ay kalimitang sinabi na ang LFS ay left-wing student groups bilang front ng communist rebels simula pa noong 1997. (Ed Casulla/Joy Cantos)