Ang naganap na sagupaan ng magkalabang angkan ay naging dahilan upang magsilikas ng mga residente sa ligtas na lugar para hindi madamay sa naglipanang ligaw na bala ng malalakas na kalibre ng baril.
Ayon kay Maj. Gamal Hayudini, hepe ng Information Southern Command, ang giyera sa pagitan ng angkan ni Bidin Galib laban sa pamilya Asaron ay nagsimula ganap na alas-5 ng hapon.
Ayon kay Hayudini, bago maganap ang sagupaan ay nagtungo sa nabanggit na sitio ang mga armadong grupo ni Galib sa hindi nabatid na dahilan.
Agad namang nabalitaan ng angkan ni Asaron na magtutungo sa nasabing lugar si Galib kaya nagmamadaling tinungo ang nabanggit na sitio, subalit sinalubong sila ng sunud-sunod na putok ng malalakas na kalibre ng baril.
Sunud-sunod din putok ng baril ang iginanti ng angkan ni Asaron hanggang sa maganap ang madugong engkuwentro na ikinasawi ni Bidin Galib at dalawa nitong alalay.
Sugatan naman sa tatlo sa panig ng pamilya Asaron sina Amir at utol na si Eron, habang ang isang sugatan ay nasa panig ni Galib.
Mabilis namang rumesponde ang mga tauhan ng militar at pulisya sa nabanggit na barangay upang pigilan ang muling nakaambang clan war.