Naisugod pa sa ospital, subalit ideneklarang patay ang mga biktimang sina Jose Garcia, 35, negosyante, residente ng Barangay Samala, Kawit, Cavite at kasama nitong si Bocmen Macellones, 25, helper, residente ng Cabatuan, Pala-Pala, Barangay Sampaloc 1 Dasmariñas, Cavite.
Lumitaw sa inisyal na imbestigasyon ni PO3 Valero Bueno, naganap ang krimen alas-9:15 ng gabi matapos na pumarada sa harap ng tindahan ng tubig ang kotseng may plakang XHJ-846 na lulan ang mga biktima.
Napag-alamang isa sa dalawang holdaper ang lumapit kay Garcia habang nakaupo sa loob ng sasakyan at sinabihang lumabas. Namataan naman ni Bocmen ang inakbayang si Garcia, kung kaya lumapit ito upang alamin ang pangyayari. Subalit isa pang holdaper ang sumulpot at agad na binaril si Bocmen bago isinunod si Garcia.
Mabilis na tinungo ng dalawang holdaper ang sasakyan ng mga biktima at tinangay ang bag na naglalaman ng hindi nabatid na malaking halaga.
May posibilidad na natunugan ng mga holdaper na may dalang malaking halaga ang magkasamang biktima kaya isinagawa ang krimen. (Cristina Timbang)