Ang biktima na agad na namatay matapos na magtamo ng mga tama ng bala ng baril sa ibat ibang bahagi ng katawan ay nakilalang si Patricio Bronce, 59, may asawa, security guard at residente ng Barangay Uno ng bayang ito.
Kritikal naman sa pagamutan sina Raymundo Reyes Jr., school principal ng Dasmariñas West National High School na tinamaan sa katawan ng ligaw na bala; Gina Monjas, 28, floor manager; Mary Goret Fajotagana, 24, at Rubina Sabrido, 21, pawang mga empleyado ng Queens Joy Resort and Videoke Bar at nakatira sa Trece Martirez City.
Mabilis namang nakatakas ang suspek tangay ang baril na isang kalibre 5.56 na gamit na nakilalang alyas Jun.
Batay sa imbestigasyon ni PO1 Manny Candare, may hawak ng kaso, dakong alas-10 ng gabi nang magkita sa nasabing videoke bar ang biktimang si Bronce at ang suspek na kapwa na lasing umano sa alak.
Dahil sa may matagal ng alitan ang dalawa hinggil sa umanoy sobrang pagseselos ng suspek, nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang mga ito nang muling magkita.
Dahil sa tindi ng galit ng suspek ay sunud-sunod na pinaulanan ng putok nito ang biktima habang nasa loob ng nasabing videoke bar kung saan hindi nito inalintana ang maraming tao sa loob ng bar kung kaya nadamay ang apat pang biktima.
Isinugod sa General Emilio Aguinaldo Memorial Hospital ang mga biktima habang si Bronce ay namatay noon din dahil sa dami ng tama ng bala ng baril na halos magkalasug-lasog na ang katawan nito.
Narekober mula sa lugar ng pinangyarihan ang 12 basyo ng nasabing kalibre ng baril at isang magazine na may 26 na bala. (Cristina Go Timbang)