Sa panayam, sinabi ni Phil. Air Force Spokesman Lt. Col. Restituto Padilla, kinumpirma nitong tinangkang pabagsakin ng mga bandido ang dalawang US helicopters na lumilipad sa himpapawid ng Barangay Bud Datu, Jolo, malapit sa Barangay Buansa sa bayan naman ng Indanan, Sulu.
Nabatid na ang insidente ay naganap dakong alas-2:50 ng hapon kamakalawa, subalit masuwerte namang walang nasugatan sa miyembro ng US-trained Light Reaction Company (LRC) at US Special Force na lulan ng helicopter.
Maayos na nakalapag sa isla ng Jolo ang dalawang helicopters mula sa medical activity sa bayan ng Indanan, subalit ang isa sa chopper na UH-1H No. 502 ay nagtamo ng apat hanggang limang tama ng bala ng malalakas na kalibre ng baril at napinsala ang main rotor blade, ayon kay Brig. Gen. Nehemias Pajarito, hepe ng 104th Army Brigade sa Jolo.
Ayon sa mga opisyal, pabalik na ang mga helicopter na pinalilipad nina Capt. Jose Edwin Galpon at 1Lt. Rodney Bajesta, kasama ang ilang security personnel ng LRC at US Special Force pabalik na sa Jolo mula sa isang medical mission nang umalingawngaw ang sunud-sunod na putok ng baril mula sa kagubatan ng nabanggit na barangay na maituturing na balwarte ng Sayyaf.
May mga sundalong Pinoy din ang sakay ng helicopter, ayon sa ulat.
Agad na ipinakalat ang tropa ng militar sa nasabing barangay upang tugisin ang grupo ng Sayyaf na responsable sa pamamaril.
Tinatayang aabot sa 260 US troops ang lumahok sa katatapos na Balikatan 2006 humanitarian mission sa Jolo, subalit nangako ang mga opisyal ng US military na maiiwan ang ilang pangkat ng US personnel upang i-monitor ang naiwang proyekto para sa mga sibilyan. (Dagdag ulat ni Roel Pareño)