Base sa ulat ni Capt. Jimmy Policarpio kay Customs Subic District Collector Atty. Andres Salvacion, nadiskubre ang malaking halaga ng foreign currency na nakabalot sa isang carbon paper at itinago sa isang jacket.
Napag-alamang dumating sa Subic Bay Freeport ang shipment ng ukay-ukay noong Pebrero 17, 2006 na ang orihinal na pinagmulan ay Saudi Arabia bago pa naipasok sa Taiwan.
Ang nasabing epektos ay nakapaloob sa mga kahon ng balikbayan kung saan dinala ng Federal Express (FedEx) 2100 ng consignee nito na isang nagngangalang Armando Habito ng Aguinaldo Highway sa bayan ng Dasmariñas, Cavite.
Sinabi naman ni Customs Deputy Collector for Assessment Carlito Pascua, na ang halaga ng nakumpiskang Iraqi dinars ay umaabot sa P1.7-milyon.
Lumalabas naman sa intelligence report ng Bureau of Customs na ang nasabat na malaking halaga ay takda sanang ibigay sa mga rebeldeng grupo sa southern region bilang suporta sa planong paghahasik ng kaguluhan sa Metro Manila na isasabay sa mga kilos-protesta.
Nakatakda namang sampahan ng kaukulang kaso ang may-ari ng kontrabando dahil sa tangkang pagpuslit ng pera at misdeclaration of shipment habang ita-turnover ng Customs ang foreign money sa Bangko Sentral ng Pilipinas para sa proper disposition at safekeeping. (Jeff Tombado)