Pasado alas-10:30 ng umaga nang makapasok sa city hall si Mayor Aquino kasama ang mga supporters nito at sina PNP regional director P/Chief Supt. Prospero Noble Jr, DILG provincial director Joey Baes, Atty. Ronaldo Ilas, Comelec provincial director.
Pero bago naganap ang pag-upo ni Mayor Aquino, nagkaroon muna ng matinding tensyon sa loob ng city hall matapos na sumabog ang isang pillbox sa bahagi ng likuran ng city hall bandang alas-3:55 ng madaling-araw kahapon.
Wala namang naiulat na nasaktan o nasirang kagamitan sa nasabing pagsabog na nagbunsod para buwagin ng mga pulis ang barikada na itinayo ng mga supporters ni Corona.
Matapos ang pagsabog, pinababa ng mga operatiba ng Explosive Ordnance Division (EOD) ng Philippine Air Force ang lahat ng tao na nasa loob ng city hall kabilang na sina Corona at ang mga taga suporta nito.
Sa ginawang pagsisiyasat, nakakuha pa ng isang stick ng dinamita sa male comfort room ang EOD na matatagpuan sa groundfloor ng city hall.
Pagkalabas ng mga tao mula sa city hall, dito na nagkaroon ng pagkakataon pumasok ang kampo ni Mayor Aquino kasama ang mga opisyales ng Comelec, DILG at PNP.
Sa isinagawang press conference ni Mayor Aquino, nagpasalamat ito kay Pangulong Arroyo at iba pang opisyales sa Batangas.
Tiniyak din ni Mayor Aquino na wala siyang aalising kawani ng Tanauan City Hall at ipagpapatuloy ang lahat ng naantalang serbisyo ng munisipyo sa lalong madaling panahon. (Arnell Ozaeta)